top of page

CSOs, binanatan ADB sa ACEF 2026: Higanteng ‘Kraken of Destruction’ inilantad

  • 4 days ago
  • 5 min read

Protesters hold a white banner reading ADB, STOP FUELING THE CRISIS! with blue wave art in a city street.

MANILA – Naglunsad ng malikhaing protesta ang mga civil society organizations (CSO) at mga apektadong komunidad sa labas ng Asia Clean Energy Forum (ACEF) 2026 upang kundenahin ang sinasabi nilang papel ng Asian Development Bank (ADB) sa pagpapalala ng krisis sa enerhiya sa Asya.


Pinangunahan ng NGO Forum on ADB ang protesta kung saan inilantad ang isang higanteng halimaw na tinawag na “Kraken of Destruction,” na sumisimbolo sa patuloy na pagpopondo ng ADB sa mapaminsalang fossil fuels, pagmimina, waste-to-energy incineration, nuclear energy, at iba pang kontrobersyal na proyekto.


Ayon sa mga grupo, ang mga galamay ng Kraken ay kumakatawan sa mga polisiya at pamumuhunan ng bangko na patuloy na nakaaapekto sa mga komunidad sa buong rehiyon.


“Sa ACEF na ito, napapanahon na para pangalanan ang tunay na halimaw. Sa loob ng mahigit 60 taon, ikinulong ng ADB ang mga komunidad sa maruming legasiya ng mapanirang negosyo sa buong Asya. Inilantad lamang ng mga imperyalistang digmaan ang matagal nang umiiral: isang krisis sa enerhiya na sistematikong binuo, pautang kada pautang, ng mismong Bangko sa pamamagitan ng mga dekada ng pagpopondo sa fossil fuel. Ang Pilipinas ay malinaw na patunay nito,” ani Elle Bartolome ng PMCJ.

“Sa Cebu, halos 15 taon nang naghahanap ng hustisya ang mga komunidad na naapektuhan ng coal ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nakakamit. Sa Zambales, namumuhay ang mga pamilya sa anino ng imprastraktura ng coal na tinulungan ng ADB na maitayo at ngayon ay nakatakda pang palawakin. Ilan pang komunidad ang kailangang makitang masira ang kanilang mga tahanan, malagay sa panganib ang kanilang kalusugan, at malagay sa alanganin ang kanilang mismong buhay bago mapanagot ang ADB?,” giit pa niya.


Sa nasabing protesta, simbolikong binuwag ng ang mga galamay ng kraken bilang pagpapakita ng pagtutol sa lumalalang energy insecurity, krisis pangklima, at inekuwalidad na iniuugnay nila sa mga proyekto ng ADB.


Kinuwestiyon din ng mga grupo ang umano’y ‘emergency financing’ ng bangko, kabilang na ang paggamit ng Trade and Supply Chain Finance Program (TSCFP), na nagpapahintulot na suportahan ang mga transaksyon sa pag-aangkat ng langis.


“Sa panahon ng pandaigdigang krisis sa enerhiya, ang mabigat na pasanin ng pagtaas ng presyo ng kuryente at mga pangunahing bilihin ay pangunahing sinasalo ng mamamayan. Ipinakikita ng hindi direktang epekto ng digmaan sa Kanlurang Asya kung paano nahirapan ang Asya, na labis na nakadepende sa fossil fuel, na harapin ang pabagu-bagong merkado at ang lumalalang epekto ng krisis sa klima. Ngayon, ginagamit ng ADB ang krisis na ito upang isulong ang adyenda nito sa fossil fuel sa ilalim ng tinatawag na ‘emergency financing,’ kabilang ang muling pagbuhay sa pag-aangkat ng langis sa pamamagitan ng Trade and Supply Chain Finance Program nito. Dapat nang itigil ng institusyong ito ang pagbabalatkayo sa pagpopondo sa fossil fuel bilang tugon sa krisis,” ani Naz ng NGO Forum.


Binigyang-diin din ng grupo na patuloy na pinapasan ng mga komunidad sa buong Asya ang mabigat na epekto ng tumataas na gastos sa enerhiya, lumolobong pampublikong utang, at mga pinsalang dulot ng krisis sa klima. Samantala, ang malalaking proyektong pang-enerhiya at imprastraktura na pinopondohan ng mga multilateral development bank ay nananatiling higit na nakatuon sa interes ng malalaking korporasyon kaysa sa tunay na pangangailangan ng mamamayan.


“Patuloy na hinahadlangan ng ADB ang isang makatarungang transisyon sa enerhiya sa Asya sa pamamagitan ng pagpapanatiling bukas ng mga daan para sa patuloy na pagpapalawak ng langis at gas, pagpapanatili ng mga butas sa polisiya para sa karbon, at pagsusulong ng mga huwad na solusyon sa enerhiya. Sa panahon ng lumalalang krisis sa klima at utang, dapat nang itigil ng ADB ang paglalagay sa mga bansa sa magastos at maruruming sistemang pang-enerhiya na nagpapabagal sa paglipat tungo sa malinis at renewable na enerhiya. Ang tunay na seguridad sa enerhiya ay nangangailangan ng pagpapabilis ng isang mabilis, patas, at nakasentro sa mamamayang transisyon na pinapagana ng renewable energy,” ani ni Lidy Nacpil ng Asian Peoples’ Movement on Debt and Development (APMDD).


“Ang climate financing ng ADB na nakabatay sa utang ay sumasalungat sa tunay na diwa ng hustisyang pangklima. Ang isang tunay na makatarungang transisyon ay dapat lumayo sa pagdepende sa fossil fuel at pagpapautang na nakabatay sa utang, at sa halip ay suportahan ang pampublikong pagpopondo na magbibigay-daan sa malinis, abot-kaya, at demokratikong mga sistemang renewable energy na nagsisilbi sa mga mamamayan at komunidad,” dagdag ni Nacpil.


Nagbabala rin ang grupo laban sa mga bagong inisyatiba ng ADB kabilang ang pagpopondo sa pagmimina ng mga tinatawag na critical minerals.

Ayon kay Jaybee Garganera ng Alyansa Tigil Mina, maaaring magbunga ito ng mas maraming paglabag at pinsala sa mga komunidad na maaapektuhan ng pagmimina.


“Nasa mapanganib na landas ang ADB kung magpapatuloy ito sa pagpopondo para sa mas marami pang pagmimina ng nickel, copper at iba pang transition minerals sa rehiyon. Nanganganib ang ADB na magdulot ng higit pang pagdurusa sa mga komunidad na apektado ng pagmimina. Ang pagbubukas ng mga lugar na isinasakripisyo upang magluwal ng mga mineral na maaaring hindi naman talaga mapunta sa renewable energy technologies kundi sa mga pangangailangan sa seguridad at depensa ng mga mauunlad na bansa ay hindi ang direksyon ng malinis na pagpapaunlad ng enerhiya na sinasabing nais tahakin ng ADB,” ani Garganera.


Binatikos din ng mga grupo ang 2025 Energy Policy Review ng ADB dahil pinananatili umano nito ang fossil gas bilang “transition fuel” at nagbibigay-daan sa nuclear energy, pagpapanatili ng carbon capture utilization storage at co-firing technologies at mas malawak na pagmimina ng critical minerals.

Kinondena rin nila ang lumalawak na pakikipag-ugnayan ng bangko sa pribadong sektor at mga dambuhalang kumpanya para sa mga proyektong pang-enerhiya.


Ayon kay Marjorie Pamintuan ng Recourse, hindi dapat gawing katanggap-tanggap ng ACEF ang pakikipagtulungan sa mga kumpanyang may kaugnayan sa paglala ng krisis sa klima at enerhiya.

“Ang kasalukuyang pagtutulak ng ADB para sa pamumuhunan ng pribadong sektor ay may kasamang mga hindi malinaw at hindi transparent na pamamaraan ng pagpopondo na nagtatago ng samu’t saring kasamaan. Sa pakikipagpartner sa mga kumpanyang may masamang rekord sa karapatang pantao o tumatangging ihinto ang paggamit ng fossil fuel, inilalagay ng Bangko sa panganib ang mga tao at ang planeta. Hindi dapat maging plataporma ang ACEF para gawing normal ang pakikipagtulungan sa mga kumpanyang aktibong nagpapalala sa mga krisis sa enerhiya at klima. Dapat manatiling nakasentro ang mandato ng ADB sa pagpapaunlad kapag pumipili ito ng mga katuwang sa pribadong sektor, tinitiyak na ito ay namumuhunan sa renewable energy, sumusunod sa mga safeguard, at inuuna ang pangangailangan ng mga mamamayan,” giit ni Pamintuan.


Kabilang sa mga panawagan ng mga grupo ang agarang pagtigil ng lahat ng direkta at hindi direktang pagpopondo sa fossil fuels, pagbasura sa nuclear energy financing, pagpigil sa mga “false solutions” tulad ng waste-to-energy incineration, at pagbibigay-prayoridad sa mga renewable energy system na pinangungunahan ng mga komunidad.


Sa pagtatapos ng protesta, sinabi ni Rayyan Hassan, Executive Director ng Forum, na hindi maituturing na makatarungan at inklusibong transisyon sa enerhiya ang kasalukuyang direksyon ng ADB.

“Hindi maaaring angkinin ng ADB na nagtatayo ito ng ligtas at inklusibong mga sistema ng enerhiya habang ang mga sangay nito sa pagpopondo ay patuloy na nagpapakain sa mismong kraken na sumasakal sa mga komunidad sa buong Asya. Mula sa fossil gas at malabong pagpopondo sa kalakalan ng langis hanggang sa nuclear energy, waste-to-energy, critical minerals, at mga kasunduan sa pribadong sektor na isinasapubliko ang panganib ngunit isinasapribado ang kita, hindi nilulutas ng Bangko ang krisis sa enerhiya—bagkus ay binabago lamang nito ang anyo nito para sa kapakinabangan ng mga korporasyon,” ani Hassan.


“Para sa mga komunidad na matagal nang humaharap sa utang, sapilitang pagpapalikas, nakalalasong polusyon, at patuloy na pagtaas ng presyo ng kuryente, hindi ito isang malinis na transisyon sa enerhiya. Isa itong pag-agaw sa enerhiya. Dapat putulin ng ADB ang bawat galamay ng pagdepende sa fossil fuel at mga huwad na solusyon, isara ang lahat ng direkta at hindi direktang butas sa pagpopondo, at ilagay sa sentro ng kinabukasan ng Asya ang pampubliko at pinangungunahang renewable energy ng mga komunidad,” dagdag pa niya.


Isinasagawa ang ACEF 2026 sa punong himpilan ng ADB sa Mandaluyong City mula Hunyo 8 hanggang 11.


Recent Posts

See All
bottom of page